Sunday, July 12, 2009

2 bata, 2 tula

TOBY


Idinuduyan siya ng antok,
habang nakasandal sa pader na nilulumot
sa paulit-ulit na pagdukot at paulit-ulit ding pagsinghot
sa plastik na nakakubli sa dyaket na suot-suot.
Tumunog ang kampana
na waring nagtatawag sa mga kaluluwang lagalag,
itong batang paslit biglang naglakad
sumunod sa agos patungo sa pintong bukas palad.

Sa loob ng simbahan…
narinig ang himno nitong sambayanan,
lumingon-lingon sa paligid na parang may hinahanap
pumikit at dumilat wala pa ring mahagilap.


Lumabas ang bata tangan ang basong plastik
sa lilim ng ulap at nagdidilim na langit
humiga siya sa sementong malagkit
sinapo ang tiyan na parang namimilipit sa sakit.
Kumalembang ang kampana…
at iniluwa ang mga kaluluwang nagmamadali sa pag-uwi,
pumatak ang ulan,dumagundong ang kalangitan
ang baso ng anghel napuno ng tubig ulan.


Marianette

Kahapon ka nagdesisyong tapusin na ang lahat…
dahil sa pag-aakala mong wala ng pag-asa,
ang hiling mong bag at sapatos kasama pati ang bisikleta
isinama mo rin ang trabaho ng iyong ama at ina.
kakabit ang malalim na buntong-hininga.

Kahapon ka nagdesisyong tapusin na ang lahat…
dahil lagi kang walang baon at pambayad sa eskwela
dahil walang pamasahe gustuhin mo mang magsimba
dahil walang pambili ng gamot kung may sakit si ina.

Kahapon ka nagdesisyong tapusin na ang lahat…
dahil ang iyong pangarap at dangal,
ang iyong pangalan at karapatan
ay kinulayan ng itim ng haliging hangal
binalewala ang iyong taghoy
pati kaluluwa nag-aapoy.

Kahapon ko nabasa ang balita...
tungkol sa iyo at sa iyong adhika
at nasabi mo sa iyong talaarawan,
na malapit na ang pasko at di mo ito namamalayan
(at di mo na mamamalayan kailan pa man)
Sige, Manette...
ipagpatuloy mo ang iyong paglalakbay
dahil sa iyong patutunguhan
wala ng gutom, sakit at daing
hindi mo man nakamit ang bag at sapatos
Doon...
nakaukit ang iyong panpangalan
at di ka Niya pababayaan.

No comments: