Sunday, August 2, 2009

lawang malapit nang mawala

Pangyayari: Outreach sa Malaban, Biñan, Laguna
Sa gulang niyang 53 taon gulang ay mukha siyang matanda sa kanyang anyo. Maitim ang kanyang balat na parang nasunog ng araw, may apat na ngipin sa unahan at mangilan-ngilan sa ibaba, maraming puting buhok at medyo kubado na lalo pang nagpabawas ng kanyang taas. Isa lamang si Anatalio Almarines o Mang Tonyo sa maraming mangingisdang sumalubong sa amin sa Ilaya, Malaban, Biñan Laguna. Taal na taga-Malaban kung kaya’t doon na rin nakapag-asawa at nagkaroon ng pitong anak. Si Mang Tonyo ay pangulo ng samahang PINAGPALA sa kanilang lugar, isang samahan ng mga mangingisda na sumasaklaw sa mga bayan ng Biñan, Sta. Rosa, Calamba at Los Baños. Layunin nito ang pangalagaan at iligtas ang lawa sa anumang panganib na sasalubungin nito. Kasama rito ang pagpapanatili ng kahalagahang kultural ng lawa at ang kabuhayan mula sa lawa ng Laguna.
Sa pagtalakay ng layunin ng samahan, ang kanilang suliranin at ang kanilang mga proyekto ay nakita ko ang malawak na suliraning kinakaharap ng lawa at ng pangingisda dito. Kung titingnan malawak talaga ang saklaw ng lawa ng Laguna. May sukat itong 949 kilometro-kuwadrado at batay kay Ka Erning ang tagapagsalita ng samahan unti-unting lumiliit ang sukat ng lawa dahil sa pagguho ng lupa at ang walang tigil na pagdedevelop ng mga sabdivisyon sa paligid nito. Mula sa malayo ay itinuro niya sa amin ang mga kabahayan, gusali at ang mga faktori sa paligid. Maraming napag-usapan at naikuwento si Mang Erning at ang kanyang mga kasama tungkol sa lawa. Kasama rito ang paglilinis nila ng mga basura na inaaabot minsan ng tatlong araw, ang paghingi nila ng tulong sa mga NGO’s, ang malawakang pagsakop at pagtatayo ng mga fishpen ng mga may kaya, at ang di sapat na pagtulong ng lokal na pamahalaan sa kanilang mga programa. Sa mga naikuwento ni Ka Erning at ng kanyang mga kasama makikitang mahalaga ang papel na ginagampanan nila sa pagsagip sa lawa.
Lalong napalalim ang usapin nang may isang magingisda na naghandog ng isang tula, siya Ka Ayo, nilalaman ng kanyang tula na noon daw ay mga puno at kabundukan ang makikita sa paligid ng lawa, malayang naglalaro ang mga bata sa baybayin, ibat-ibang uri ng isda ang mahuhuli (ayungin, biya, dalag, buwan-buwan, banak at maging ang malalaking sugpo) at bukod dito ay bahagi na rin ng kanilang pamumuhay ang pamamangka. Nabanggit rin na sa gitna ng lawa sila kumukuha ng kanilang tubig pangsaing at maging ang kanilang iniinom sa pangingisda. Pero ngayon lahat ng binanggit sa awit ay hindi na nangyayari at malaki ang kinalaman ng mga dumaraming factori sa polusyon ng lawa. Sa takbo ng usapan ay naisip ko na hindi lang sila (mangingisda) ang may responsibilidad. Kaya, sa dulo ng usapan at talakayan ay naitanong ko ang tungkol sa mga kabataan ganun din ang kanilang mga anak. Ayon sa kanya, sa mga kabataan sa bayan ng Malaban ay mas binibigyan ng pagpapahalaga na makapagtrabaho sa mga naglalakihang gusali at factori ang makapag-trabaho sa mga multi-nasyonal na korporasyon. Kung minsan nga daw ay mas gusto pa nilang manatili sa naglalakihang mall kaysa sa makisali at makisangkot sa usaping pang-lawa.
Ang katotohanan, isang kabanata sa Noli Me Tangere ang binanggit ni Jose Rizal, tungkol sa pangingisda ng mga kabataan noon, kabilang sina Maria Clara at Ibarra kasama ang kanilang mga kaibigan sa lawa ng Laguna. Doon ay pupunta sila sa nasabing tubig, mga isdang sariwa at mga naglalakihang mga puno bago marating ang lawa. Ang lawa na naging saksi sa mga pagmamahalaan at libangan ng mga kabataan noon.
Dalawang bagay ang pumasok sa isip ko tungkol sa sinabi ni Ka Erning at ni Mang Tonyo, ang tungkol sa mga kabataan ng Malaban at ang kinabukasan ng lawa. Kung wala sa kanila ang may nais maging mangingisda o magkaroon ng interes sa lawa. Sino ang mangangalaga sa lawa? Kung di na natin nakikita at nalalasahan ang mga isdang binanggit ni Rizal sa nobela, anong uri ng isda kaya ang maaaring mabuhay sa susunod pang mga taon? Paano kung wala na sina Mang Tonyo at ang kanyang mga kasamahan? At tayo bilang Pilipino, ano kaya ang tiyak na gawain upang mailigtas ang lawa ng Laguna?

Monday, July 13, 2009

Agawang Bahay...Agawang Buhay

Agawang-Bahay,Agawang-Buhay
ni Teodulo Blas Jr.


Ayon sa diksyunaryong Filipino ang salitang agaw ay nangangahulugang kunin o makipaghilahan sa isang puwersa o lakas. At ayon naman sa diksyunaryo ni Webster ang buhay ay isang panahon sa buhay ng isang nilalang maging tao man o hayop.


Kanina ko pa pinagmamasdan ang mga bata sa kanilang paglalaro. Hindi kasi ako makapaniwala na sa modernong panahon ay mayroon pa ring mga batang naglalaro ng ganun. Sa kasalukuyan kasi makikita ang mga bata sa mga computer shop na nakikipaghabulan at nakikidigma sa mga tauhang nakikita lamang sa monitor ng kompyuter. Mga tauhang galing sa Counter Strike,Cabal o Dota. Noong bata ako madalas akong maglaro ng agawang-bahay. Isang laro na kadalasan sa mga kalalakihan. Dalawang grupo ito na mayroong parehong bilang ng mga manlalaro at ang bawat grupo ay mayroong beys na kadalasan ay sa magkatapat na poste at ito ang tinatawag na bahay. Layunin ng laro ang maubos ang tauhan ng kalabang grupo sa pamamagitan ng pagtataya ng humahabol at protektahan ang beys o yung tinatawag na bahay sa mga kalaban. At kapag naubos na ang manlalaro o natapakan ng isang kalabang grupo ang pinoprotektahang bahay ibig sabihin, naagaw nila ang bahay at ang kalabang grupo ang tinatanghal na panalo.

Umuwi kami noon sa bahay upang paghandaan ang natatanging araw na iyon-ang kanyang kaarawan, ang kanyang ika-75 na kaarawan. Ang bahay na paminsan-minsan na lang uwian pagkatapos ng isang pangyayari. Maraming balak. At dahil bukod sa kanyang kaarawan ay araw noon ng Pagkabuhay ng Panginoong Hesus. Ang araw na iyon ay bahagi pa rin ng panahon ng Mahal na Araw. Maghahanda si ate Armie alam ko.Naka-order na rin kay Ka Tanching ng sinukmani. Sa kabila ng maraming balakin ay naroroon pa rin ang takot at kaba sa dibdib. Takot at kaba na baka pagdating ng umaga ay hindi maganap ang dapat asahan..Madalas ko itong maramdaman bago pa maganap ang isang di inaasahang pangyayari noong ika- 14 ng Marso 2008.


Marso 12. Gabi na nang dumating ako noon sa bahay galing sa tatlong araw na seminar sa Cebu. Pinagbuksan niya ako ng pinto. Nangumusta ako at nagtanong kung kumain na siya. Sumagot siya ng ”Oo”habang inaalis ang tali ng kahon na bitbit ko kanina. Isang kahon ng mga pasalubong ang pinamili ko noon pero hindi naman lahat ng laman ay sa akin. Marami ring nagpabili, may dried mangoes,dried pusit,danggit at kung anu-ano pa. At dahil siguro gusto niyang kumain uli na kasabay ako kaya nagluto siya ng pusit. Meron akong ibinigay sa kanya pagkatapos maghapunan. Napangiti siya. Isang bagay na pinagpilitan sa akin ng isang batang halos magmakaawa upang kunin na ang kanyang iniaalok. Ang batang malinis ang suot na kamiseta pero wala namang tsinelas. At nang nakaupo ako ay sinabi sa akin,”Sige na po,tumawad kayo” ang nangungulit na sabi.Hindi ko siya pinansin noong una. At dahil sa tagal na paghihintay sa aking mga kasamahan na bumibili ng mga pasalubong ay naawa na rin ako. Sa tingin ko kasi nagugutom na ang batang kausap ko at para siyang pusang ngiyaw nang ngiyaw sa paanan ko.Hindi ko pala namamalayan na kanina pa pala ako tinatanong ng Mommy,”Magkano ang bili mo?” ang naitanong sa akin.”Nangulit lang yung bata” ang sabi ko.Iyon ang mga huling sandali bago ako umakyat at pumasok sa aking kuwarto. At dahil pagod ako ay madali akong nakatulog.
Marso 13. Lunes. Kagaya ng dati maaga akong nagising. Nag-ayos ng mga gamit,naligo at nagbihis. Pagbaba ko andun na siya sa sala at nakaupo. Wala siyang imik. Nakita ko na may hain na sa mesa.Kumagat ako ng pandesal at nagtimpla ng kape. Mayamaya ay tumayo siya at nagtanong,”Anong oras ang uwi mo?”. Tumayo ako at sinabing ,”Maaga...pagod pa ako at gusto ko pang matulog...at masakit pa ang ulo ko” ang naisagot ko. ” Bakit hindi ka muna umabsent?” ang sinabi niya pag-upo sa mesa. Hindi ako sumagot pero nahalata kong may gusto pa siyang sabihin. Umalis ako nang nagmamadali nang umagang iyon. At dahil Lunes kaya maraming ginawa at tinapos na trabaho. Nang gabing iyon habang ako ay nasa kuwarto napuna ko ang isang aninong pabalik-balik sa labas ng kuwarto. Parang gusto niyang pumasok pero dahil patay na ang ilaw at nag-akalang tulog na ako ay hindi na niya ako inistorbo. 4:37 nang umaga nagising ako sa isang napakalakas na lagabog. Agad akong nagbukas ng bintana at inilusot ang aking ulo sa pag-aakalang may magnanakaw na bumagsak habang papaakyat sa pader. Wala akong nakita. Pero dahil nagulat ako kaya nagsimulang bumilis ang pintig ng pulso ko.


Agad akong lumabas ng kuwarto at sinindihan ang ilaw. Mula sa itaas ng hagdan ay nakita ko sa ibaba ang isang katawan na nakasubsob ang ulo sa ikalawang sementong palapag. Pakiramdam ko noon nabingi ako sa aking sariling sigaw. Umaga na noon ng Marso 14.

Abril 15. Mababaw ang tulog ko nang gabing iyon.Naririnig ko ang patak ng tubig sa lababo sa ibaba ng bahay at maaari kong mabilang nang mga sandaling iyon. Kaya lang hindi ko ito naisip. Mas binilang ko ang mga araw na namalagi siya sa ospital. Nang gabi ring iyon naririnig ko ang kaluskos ng aso sa kanyang kulungan at kung ilang beses siyang tumahol kapag may daraang pusa. Mayamaya tumunog ang celfon ni ate Baby ang panganay sa aming magkakapatid. Iminulat ko agad ang aking mga mata at napansin ko sa orasan na madaling araw na pala. Kinabahan ako ..bumilis ang tibok ng pulso..Nakita ko ang mukha ng aking kapatid na parang gulat na gulat, ”Ano!...saan?...Bakit ?”sa malakas na boses niyang pagtatanong.Mga katanungang parang alam ko na ang nangyari. Nang ibinaba ng kapatid ko ang kanyang celfon agad niyang naibulalas,” Jun…ang Mommy!”..lalong bumilis ang kabog ng dibdib ko..Kanina lamang bago ako umalis sa bahay ay nakita ko ang munting pag-asa at lumaki iyon habang ako ay papaalis sa kanyang kuwarto at ngayon ay parang biglang-bigla naman ang pangyayari. Huminga ako nang malalim. “Nasa ospital ang Mommy!.”ang malakas na nasabi ni ate Baby. Naitanong ko agad ang salitang,”Bakit?”..kanina bago tayo umalis, okay na siya ah?..ano nangyari?”ang naisagot ko.Di ko maipaliwanag ang mga pangyayari. Kanina bago kami umalis ay marami siyang sinasabi.”Daliii na!..yung sinampay baka umulan…dali!”. May itinuturo siya at may mga katagang kung minsan ay di namin alam kung ano ang ibig sabihin.Masigla na siya..lalakas siya…gagaling siya ang laging nasa isipan ko. At nang gabing iyon ay naibalita pa sa akin ni ate Armie sa pamamagitan ng text ang pagpapaupo niya sa wheelchair. At nang hapong iyon bago ako umalis sa bahay ng aking kapatid ay pilit kong ipinamulat sa aking ina ang kanyang mga mata,” Mommy idilat nyo nga ang inyong mga mata”, ang nasabi ko. sinunod naman niya ang aking sinabi. “Nakikita nyo ba ako?” ang pautal kong nasabi kasabay ang paglunok ng laway..” Na, ang anak ko,Oo”..ang dalian niyang naisagot.
“Maghahanda ako Mommy bukas..dahil bertdey nyo”..Naghintay ako ng sagot. Mga ilang minuto rin ang paghihintay..Mahina niyang nasabi na,”Matanda na,anak…”ang malinaw niyang sagot. May bumara sa lalamunan ko nang mga sandaling iyon at kasabay nang pagtalikod sa kanya nagmadali akong lumabas sa kuwarto..Iyon ang hapon bago ako umalis. Bago pumunta sa bahay na binalak ang paghahanda para sa kanyang kaarawan.

Abril 16. Mataas na ang sikat ng araw at namamalayan ko ang pagbaba at pag-akyat ng mga pasahero sa bus. Maaliwalas ang paligid at nagsasaya ang mga tao sa mga simbahang nadaraanan ng sinasakyan ko. Hindi ko nakikita ang pagsikat ng araw at makulimlim ang tingin ko sa buong paligid. Kung minsan kapag sanay ka sa liwanag takot ka ng maglakbay sa dilim kahit alam mong may kasama ka sa paglalakbay. Bumaba kami ng bus..tumawid …nagmamadali…at parang nakikisabay ang bilis ng pulso..Nakita ko si Michelle na aking pamangkin na nasa labas ng emergency room..Tinanong ko agad sa kanya,..ang kalagayan. Wala rin siyang naisagot..Tumuloy ako sa emergency room..Maraming pasyente nang mga sandaling iyon. Parang pare-pareho sila ng itsura. Lahat may dextrose at may cardiac monitoring box.May isang matandang lalaki na duguan ang ulo, may isang batang maputla na halos wala ng dugo ang kulay ng katawan.Sa gitna ng emergency room ay ang tumpok na mga nars at doktor. Lahat sila ay abala kung ano o sino ang uunahin. Mga limang hakbang pa at agad ko siyang nakita…dahil kilalang-kilala ko siya. Paglapit ko kinuha ko agad ang kamay at pinisil iyon..Naramdaman ko ang init nang mga sandaling iyon.Nakita ko ang maraming tubong plastik na nakakabit sa kanyang bibig at ilong bukod pa sa isang tubo sa tagiliran na noong tiningnan ko ay bahagyang tumutulo. Ang malapot na dugo na pumapatak sa lalagyang plastik na nasa ibaba ng kama…isa..dalawa..tatlo... May nagsalita sa likod ko at siguradong-sigurado siya sa kanyang mga sinasabi. “Sir, gusto po ba ninyong magpatawag ng internist?” Hindi ako kumibo pero ang alam ko inulit niya ang pagtatanong. Marami pa siyang sinabi na hindi ko na maunawaan basta umiling na lang ako. Pinagmasdan ko ang mukhang iyon. Ang hugis ng mata, humpak na pisngi, pasaang tainga,mga puting hibla ng buhok. Lahat sa mukha pinagmasdan ko. Inilapit ko ang bibig ko sa tainga. May gusto akong sabihin pero di ko maibuka ang bibig ko at walang tunog na lumabas.May bumabara sa lalamunan ko. May gusto akong sabihin sa kanyang pinakanatatanging araw na iyon pero papaano? Na ang ibubulong ko ay hindi tunay na kahulugan ng mga kataga ng mga sandaling iyon. Pero pinilit kong sabihin ang mga katagang iyon.Pautal-utal.Papantig. Para akong batang nasa bubbling stage.May sinabi uli ang doktor tumango ako..Muli akong tumayo. Nakita kong muli ang paglagay ng gamot sa tubong plastik.Muli nilang ipinamp ang katawan ng pasyente ..Paulit-ulit iyon. Para silang nakikipaghilahan kay kamatayan at ako ang nag-uutos..Pagkatapos noon muli akong lumapit at ipinatong ko ang aking ulo sa mainit na tiyan... sa may sinapupunan. Dito ako nanggaling ang naisip ko.



Naramdaman ko ang pagpatong ng kamay ng doktor sa aking balikat. Nakita ko ang cardiac monitoring box. May numero iyon at patuloy pa sa pagdaloy. Nagpaliwanag ang doktor sa akin. Ipinaliwanag niya sa pamamagitan ng kanyang kamao ang pagtibok ng puso. Para siyang nagtuturo ng isang anim na buwang sanggol kung papaano mag- close –open.
Nasa unahan ako ng isang sasakyang pupunta sa isang lugar na kung saan inaayusan ang mga malalamig na bangkay sa kanilang pinakahuling ayos na dapat maitanim sa isip ng mga sisilay. Saglit akong tumingin sa likod at tiningnan ang katawan ng taong kahapon lamang ay tinatanong kong pilit na kung ako’y nakikita niya. Na kahapon lamang ay pinisil ko ang mga maiinit na palad upang maipadama na andun lang ako at nakatayo. At kanina ilang ulit na nakiusap sa doktor na maaari pa. Kahit alam nilang lahat na wala na. Sinabi kong naniniwala ako sa himala. Sinabi kong buhay pa siya. Lumabas ako sa emergency room. Maaliwalas ang kalangitan pero nang mga sandaling iyon nagdidilim ang kapaligiran at gustong kong umulan.

Kanina ko pa pinagmamasdan ang mga batang naghahabulan. Hinahabol ng dalawang halos kasing-gulang niya ang isang batang walang tsinelas. Mabilis na mabilis ang kanyang pagtakbo. Sa kabila ng kanyang kaliitan ay hindi siya maabut-abutan.Andun ang umikot siya sa malaking puno o sumabay sa isang kotse na dumaraan upang hindi siya mataya..Alam kong pinipilit niyang bumalik sa beys pero parang hindi niya makita ang daan at hindi niya maisip kung papaano. Hindi maiwan ng kanyang kasama ang beys pero abut-abot ang kanyang pagsigaw upang bumalik sa sinasabing bahay. Naramdaman kong pumatak ang ulan sa braso ko.Tumingin ako sa kalangitan at nakita ang pangungulimlim.Hanggang sa bumilis ang pagpatak ng ulan. Pumasok ako sa loob ng bahay. Mayamaya narinig ko ang malakas na sigawan ng mga batang naglalaro sa labas.Sumilip ako at nakita mula sa malayo ang batang walang tsinelas,ang batang kamukha ng batang binilhan ko ng hikaw na perlas at ibinigay ko sa aking ina. Nakangiti siya at kumakaway kahit naagaw ang kanyang bahay at hindi na siya nakabalik doon.

refleksyon

ISANG PANAWAGAN


Alas 11:00 na nang gabi pero di pa rin ako dalawin ng antok...Nakalarawan pa rin sa akin ang mga batang nakakulong sa mga rehas na bakal. Naroon sila at nakikisama, nakikihalubilo at nakikipaglaban sa kanilang kapwa bilanggo na ang pagkakaiba lamang ay ang kanilang edad. Nakalarawan pa rin sa akin ang kanilang mundong ginagalawan, ang pagpila sa kanilang rasyong pagkain upang malamnan ang kanilang kumakalam na sikmura at kapag minamalas-malas ay makikita na lamang ang mga batang nasa isang sulok at namimilipit sa sakit ng tiyan na ang tanging lunas ay gas na galing sa isang lumang kalan. Kinagabihan patuloy silang nakikipaglaban sa paghahanap ng mahihigan, ang iba ay nakaupo sa sulok at ang karamihan ay makikitang dikit-dikit sa pagtulog kahit pa sabihing nanlalagkit sa pawis ang kanilang mga katawan. At kung umuulan, kahit sulok ay di mo mapupuntahan upang makahiga at maalis kahit paano ang antok, ito’y dahil sa tulo ng ulan galing sa butas-butas na bubungan. Sila ang mga bida sa dokumentaryong pelikulang napanood ko ang “Bunso” na pinamahalaan nina Ditsi Carolino at Nana Buxani.Layunin ng pelikula na mabuksan ang isipan ng bawat mamayang Pilipino na naghahangad pa ng isang magandang bukas.Ang pagsasabatas ng Komprehensibong Juvenile Justice System Law ay isang hakbang upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga batang nasa kulungan..Kailangan nila ang rehabilitasyon at ang mga pagpapatupad ng kanilang mga karapatan kahit sila ay nasa kulungan. At kung maisasabatas ito nararapat lamang na matugunan ang kanilang mga pangangailangan tulad ng sanitasyon, magandang pasilidad, pagkakaroon ng mga legal na tagapayo at higit sa lahat ang walang kasamang ibang bilanggo na lalampas sa kanilang edad.
Pero naisip ko sana hindi na lang dokumentaryo ang pelikula, sana yung tipong pelikulang napapanood ko sa mga komersyal na sinehan. Nakita ko sana si Tony na nagbago at nakamit ang kanyang tagumpay, nakita ko sana na minahal si Itsoy ng kanyang ina at hindi ito nasagasaan at nakita ko rin sana si Diosel na naging matagumpay na mang-aawit. Nakita ko sana ang kanilang mga ngiti bago ko inihakbang ang aking mga paa papalabas ng pinto. Maraming sana pero hindi, dahil ang katotohanan ay may mga bata talagang nakakulong, mga batang kasangkot sa mga nakawan,sa mga ipinagbabawal na gamot at sa mga krimen.Ano kaya ang nagtulak sa kanila upang kahantungan nila ang selda?”
Ang kinahantungan sa kulungan ay bunga lamang ng mga kasalanang ginawa ng mga musmos na tulad nina Tony, Diosel at Itsoy. Kung kasalanan ngang maituturing dapat sigurong papanagutin din ang pamilya na kanilang kinalakihan.Kung papaanong hinubog ang pagiging bata, kung papaanong ang bata ay naging anak lang nang sila ay isilang, doon lang sa mga sandaling iniluwal sila ng kanilang mga ina at tinawag na ama ang kanilang mga ama. Ayon sa report ng Bureau of Jail Management and Penology simula noong 1995 hanggang 2000 mayroong 52,576 na mga bata ang nakukulong kasama ang mga batang babae na kasama rin sa iisang kulungan..Nangangahulugan na mayroong 10,515 ang dinadakip at ikinikulong taun-taon, mga 28 bata sa loob ng isang araw at isang bata sa bawat oras. Kung ganito karami ang nakukulong at nasasangkot sa ibat-ibang krimen, ano ang magiging bukas?..masasabi pa kayang ang mga kabataan ang pag-asa ng bayan?.. pagkakataon na muling makita ng mga batang nakakulong ang kanilang bukas. Bigyan natin na maabot nila ang kanilang pangarap..
Mag-aalas 12:00 na ng gabi pero di pa rin ako dalawin ng antok kahit may kumot at malambot na unan.Nakalarawan pa rin sa akin ang mga musmos na tabi-tabi na nakahiga sa banig na karton; walang kumot, walang unan hanggang sa sumiksik sa isipan ang isang pagpapasyang gagawin pagdating ng bukas, ito ay ang manawagan …manawagan sa bawat isa na huwag ipagkait ang kanilang lagda. Hayaan muling makita ng mga batang nakakulong sa rehas na bakal ang kanilang bukas at tulungang maghilom ang mga sugat na nakatanim sa kanilang mga puso at nakatatak sa kanilang isipan. Gagamitin kong muli ang sikat na linya ng isang komersyal noon at sa pagkakataong ito, hindi ang pagpalakpak kundi ang paglagda at sasabihing,

WALA BA KAYONG MGA KAMAY?

Sunday, July 12, 2009

2 bata, 2 tula

TOBY


Idinuduyan siya ng antok,
habang nakasandal sa pader na nilulumot
sa paulit-ulit na pagdukot at paulit-ulit ding pagsinghot
sa plastik na nakakubli sa dyaket na suot-suot.
Tumunog ang kampana
na waring nagtatawag sa mga kaluluwang lagalag,
itong batang paslit biglang naglakad
sumunod sa agos patungo sa pintong bukas palad.

Sa loob ng simbahan…
narinig ang himno nitong sambayanan,
lumingon-lingon sa paligid na parang may hinahanap
pumikit at dumilat wala pa ring mahagilap.


Lumabas ang bata tangan ang basong plastik
sa lilim ng ulap at nagdidilim na langit
humiga siya sa sementong malagkit
sinapo ang tiyan na parang namimilipit sa sakit.
Kumalembang ang kampana…
at iniluwa ang mga kaluluwang nagmamadali sa pag-uwi,
pumatak ang ulan,dumagundong ang kalangitan
ang baso ng anghel napuno ng tubig ulan.


Marianette

Kahapon ka nagdesisyong tapusin na ang lahat…
dahil sa pag-aakala mong wala ng pag-asa,
ang hiling mong bag at sapatos kasama pati ang bisikleta
isinama mo rin ang trabaho ng iyong ama at ina.
kakabit ang malalim na buntong-hininga.

Kahapon ka nagdesisyong tapusin na ang lahat…
dahil lagi kang walang baon at pambayad sa eskwela
dahil walang pamasahe gustuhin mo mang magsimba
dahil walang pambili ng gamot kung may sakit si ina.

Kahapon ka nagdesisyong tapusin na ang lahat…
dahil ang iyong pangarap at dangal,
ang iyong pangalan at karapatan
ay kinulayan ng itim ng haliging hangal
binalewala ang iyong taghoy
pati kaluluwa nag-aapoy.

Kahapon ko nabasa ang balita...
tungkol sa iyo at sa iyong adhika
at nasabi mo sa iyong talaarawan,
na malapit na ang pasko at di mo ito namamalayan
(at di mo na mamamalayan kailan pa man)
Sige, Manette...
ipagpatuloy mo ang iyong paglalakbay
dahil sa iyong patutunguhan
wala ng gutom, sakit at daing
hindi mo man nakamit ang bag at sapatos
Doon...
nakaukit ang iyong panpangalan
at di ka Niya pababayaan.